DepEd Balanga City

ABAKADA : Sa Muling Pag-aaral ng Alpabetong Puno ng Barikada

Isinulat ni: Dennielyn S. Izon, Registrar I – Bataan National High School-Senior High School

Titindig. Maglilingkod. Patuloy na aagapay. Maghahatid ng kaalaman kahit hirap din sa buhay.

Sa loob ng isang silid, paano pa bubuoin ng isang bata ang ABaKaDa kung ang gurong magtuturo’y marami pang sisiraing barikada?

Sa kasalukuyan, humaharap ang ating lipunan sa pandemyang nagbigay ng labis na problema’t pagbabago. Nitong mga nakaraang buwan nga’y naging matinding usapin ang muling pagbubukas ng klase sa Agosto. Maraming natuwa ngunit mas marami ang tumutol.

A… Kumpirmado na ang pagbubukas ng “school year 2020-2021”, ngunit hindi lang pagpapatala sa mga paaralan ang umiiral.

“Wala kaming gadget”. “Mahina ang Internet Connection”. “Mahirap mag-focus sa bahay”. Ilan lamang ito sa mga reklamo ng netizens at ng ibang magulang . Habang patuloy ang online regustration, patuloy rin ang mga reklamo’t hinaing ng mga magulang na iniintindi ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

Kasabay ng bagong normal na pamumuhay ay ang bagong normal na edukasyon kung saan ang nakasanayang pagsusuot ng uniporme’t pagbitbit ng mga gamit sa pag-aaral ay sa bahay na lamang magagawa.

Masasabing ito ang bagong simula ng alpabetong alam ng lahat. Alpabetong ibabalik sa una kung saan walang mabigkas na letra. Alpabeto sa gitna ng pandemya—- ang A sa ABaKaDang hudyat ng panibagong pagbigkas.

Ba… Kung sa tingin ng nakararami’y mga estudyante lamang ang apektado, bakit hindi muna natin tanungin ang pinaka puno ng karunungan—- ang mga kaguruan?

 Sa pag-aakalang pabor din sa pagbubukas ng klase ang ibang guro, paano na lamang ang mga nasa lugar na hirap sa “internet connection”? Kagaya rin ng mga magulang, iniisip rin nila kung saan kukuha ng mga bagong visual aids at learning materials na maaring gamitin sa online learning. Marami sa kanilang hirap ding humanap ng data connection sapagkat hindi lahat ng guro’y may sapat na perang pambili ng “wi-fi” at pambayad sa load magkaroon lamang ng “data connection”.

 Mahirap. Magulo. Hindi maunawaan kung sa papaanong paraan kakayanin ang pagtuturo sa harap ng lente ng kamera. Sa tanong na BAkit ito nangyayari? Walang nakakaalam kaya’t walang dapat magsisihan.

Ka… Isang KAlahig, isang tuKA. Ngunit paano kakalahig ang isang guro kung tuturuan niya rin ang sarili niya kung paano tumuka?

Maliban sa kakulangan sa kagamitan, iniisip din ng mga guro kung papaano sila gagawa ng lesson plan. Gaya ng karamihan, kailangan din nilang makisabay sapagkat wala na silang ibang pamimilian kun’di lunukin ang mapaklang katotohanan na kailangan na nating mailapat sa ating pamumuhay ang krisis na animo’y walang katapusan.

 “Handa kami, magiging handa kami”, kung nakikita nating madali sa kanila ang ganitong sistema, dadaan muna sila sa maraming seminar-training para maging handa. Hindi basta-basta ang gagawin nila ngayon sapagkat doble ang trabaho nila.

Bukod sa pagiging guro, may pamilya din silang inaasikaso. Apektado rin sila ng pandemyang ito’t patuloy na magiging apektado hangga’t walang kasiguraduhan kung kailan matatapos.

 Da… ” A.. Ba.. Ka.. Da.. E.. Ga.. Ha..”

E… Hanggang kailan ba tayo maninibago? Hanggang kailan natin lulunukin ang gamot na ito? Pero sana bago tayo magreklamo, maisip natin na hindi lahat ng guro ay may laptop, wifi at pambili ng load. Walang dapat sisihin sa usaping ito, ang kailangan muna natin ay sumunod bago magreklamo. Tanggaping ito na ang bagong normal.

 Sa dulot ng Covid-19 pandemic, tayong lahat ay apektado’t hirap. Malaking dagok ito sa atin ngunit wala tayong magagawa dahil ang problemang ito ang susubok sa atin kung hanggang saan natin kayang hawakan ang buhay. Kung hanggang saang letra hihinto o kung kaya pa nga bang tapusin ang pag-awit sa ABaKaDa ng buhay—– sa bagong ABaKaDa na puno ng barikada.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *