DepEd Balanga City

“Akala Mo”

Ni: Gng. Maria Rajima D.C. Custodio- Teacher II

City of Balanga National High School – Junior High School

Maraming taon mo silang hindi kinakausap. Aalis at darating ka ng bahay na hindi mo sila alintana. Papasok ka sa iyong silid na tila ba wala kang ibang kasama sa bahay. Kakain kang mag-isa. Gagawa ng iyong mga normal na gawain at lumilipas ang maghapon na wala kayong imikan nang iyong pamilya.

           Sanay ka na sa ganoong routine. Paulit-ulit. araw-araw. At ngayon nga, malapit ka ng magtapos ng Senior High School. Ang sabi mo sa sarili mo, makakalaya ka na sa pandidikta ng iyong pamilya.Kasi nasa tamang edad ka na. At dahil may kaya naman kayo sa buhay, kaya mong tustusang mag-isa ang iyong pag-aaral dahil na rin sa mga naipon mong pera. Sa iyong sarili, proud ka. Sinasabi mong kaya mong tumayo sa sarili mong mga paa. Tanging mga kaibigan ang nagpapasaya ng iyong araw. Sila ang kausap mo madalas sa Messenger at iba pang social media. Buo ang buhay mo kapag magkakasama kayo. At bilang kapalit sa kaligayahang dulot nila sa ‘yo, ibinibigay mo ang mga bagay na nagpapasaya rin sa kanila kagaya ng load, pagpapahiram ng iyong mga gadget at iba pa. 

           Pero kagaya ng iba, iniwan ka rin ng mga kaibigan mo na sa akala mo ay pang-habambuhay na. Iniwan ka na noong hindi mo na mabigay ang mas marami pa nilang hinihingi sa ‘yo. Unti-unti, nakaramdam ka ng depression dahil nag-iisa ka na lang.Dahil ang iniisip mo, may depression ka kailangan mong magkulong sa sarili mo. Nag-post ka sa social media nang may makausap ka. Nalungkot ka. Pero walang kaibigang nag-chat sa ‘yo. Kasi nga iniwan ka na ng mga tinuturing mong kaibigan .

           Kaya nagulat ka nang may kumatok sa kuwarto mo nang 

 makita mo ang buong pamilya mo. Lahat sila ay niyakap ka. Lahat sila, ipinadama sa ‘yo na nandyan sila para damayan ka. At sa pagyakap mo sa iyong mga magulang at mga kapatid, saka mo nabatid na mahal ka pala nila. Nanahimik sila dahil iyon ang gusto mo. Tiniis nilang huwag kang kausapin dahil ayaw ka nilang lumayo. Naghintay lang sila ng pagkakataon na mabatid mong ang pamilya ay mananatiling pamilya. Anuman ang dagok na dumating sa buhay mo, ang pamilya lang ang matitirang karamay mo. 

           Sa bawat patak ng iyong luha, napagtanto mo na wala palang hihigit sa pagmamahal ng pamilya. Walang anumang bagay ang makapag-aalis ng pagmamahal ng pamilya. At gaano man kapangit ang ugali mo, mananatiling nasa iyo ang loyalty ng pamilya. Dahil ang pamilya ay pamilya. Hindi man perpekto, pero buo ito kapag naroon ang respeto at pagmamahal. At akala mo lang ay hindi ka nila mahal. Binigyan ka lang nila ng kalayaang makilala ang iyong sarili at ang mga taong totoong magmamahal sa ‘yo. Pero kahit kalian, ang pamilya ay hindi ka iiwan. Lagi silang dadamay kapag ikaw ay walang-wala na. Dahil ang nagbubuklod sa pamilya ay hindi lamang ang dugo kundi dugo at puso. 

           Akala mo lang hindi ka nila mahal kasi naging maramot ka na ipadama sa kanila ang pagmamahal mo. Akala mo hindi nila alintana ang hindi mo pagpansin sa kanila. Pero ito pala ay bilang pagrespeto sa iyong nais na gawin. At nakakagulat dahil hindi mo batid na nakaalalay lang pala sila. Akala mo lang pala… Pero ngayon ay gising ka na sa katotohanang may mga taong kapag wala ka nang pakinabang ay iiwan ka na. At iyan ang hindi gagawin sa iyo ng iyong pamilya. Kaya ngayon, bumangon ka na ng isang umagang buo ang ngiti sa iyong mga labi sabay sabi sa sariling “Iwan man ako ng buong mundo, masaya ako dahil nandito ang pamilya ko.”

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *