DepEd Balanga City

ANG PAGTUTURO AY ‘DI BIRO

Bantas ang ginagamit upang matapos ang pahayag o pangungusap. Marahil, bantas din ang ginagamit na indikasyon upang mabatid ang tunay na pagpapakahulugan at katuturan ng nabasa o narinig na pahayag. Mga emosyong nagalit, nagtanong, nagtaka, nakiusap, nagdamdam at natigilan ay tiyak na ramdam gamit ang mga bantas lalo na sa mga pahayag na pasulat.

                        Ganyan ang buhay at karanasan ng mga guro at proseso ng pagtuturo, parang mga bantas. Hayaan ninyong aking ipahayag ang mga samot saring mga bantas na sumisimbolo sa mga piling karanasang kinahaharap ng mga guro sa klase.

                        Tandang Pananong (?). Ilang beses din bang naranasang maging tameme ng mga mag-aaral sa tuwing umuulan ng mga katanungan sa silid-aralan. Sabi nga, kapag nagsimula ng gumulong ang mga katanungan, ang mga mag-aaral ay nagsisimula na tumingin sa labas, kutkutin ang kuko, magbasa ng libro at maghimatay-himatayan. Ngunit, hindi lang naman ang mga mag-aaral ang minsan nang naging clueless sa mga katanungan ng mga guro. Silang mga guro rin naman ay kadalasang biktima ng mga katanungang minsan ay may kalabuan ang kasagutan. Tulad ng mga tanong na: “May kalabuan ba sa aking mag-aaral ang dahilan ng kanilang pag-alis sa bahay upang pumasok sa paaralan?”(ang ilan kasi sa comshop at basketball court matatagpuan), “Ilang beses at oras ba na kailangang kong ulit-ulitin upang mapaintindi ang mga  mahahalagang konsepto ng aralin? (hindi gaya ng mabilis na pagpick-up nila ng mga linya sa pelikulang napanood at sa nakaka-lss na patalastas); Bakit ko ba kailangang pagtuunan ng pansin ang paggawa ng exam? (kung isang minuto pa lang tapos mo nang masagutan). Simple lamang naman ang punto, kung maraming oras, talino at lakas ang nilalalan ng mga guro sa pagtuturo, hindi ba sapat din namang umasa ng tiyaga, talino at motibasyon mula sa mga mag-aaral?

                        Kuwit (,) Masasabi nating matagumpay ang mga gurong may kakayahang mahiwalay ng matiwasay ang maraming bagay. Tulad ng kuwit, ang mga guro ay may taglay na kapangyarihang ihiwalay ang kanyang personal na buhay  sa kanyang propesyunal na pagganap bilang tagapagtaguyod ng mas matatag na lipunan. Pilit nilang kinukubli ang dimensyong personal ng kanyang buhay tulad ng kakulangan sa buwanang kita at problemang pampamilya. Lakas loob niyang sinusuong ang tungkuling inatang sa kanyang balikat sa kabila ng mga suliraning maaaring makaapekto sa kanyang kahusayan bilang guro. Hindi lamang siya guro para sa kanyang mag-aaral, napaghihiwalay din niya ang kanyang ibat-ibang tungkulin tulad ng pagiging nurse (tagapag-alaga sa kalusugan); arkitekto at engineer (tagapagplano at tagapagtayo ng buhay); archaeologists (tagapaghukay ng mga talento); bookkeeper (tagapagbalanse ng buhay); salesman (tindera ng impormasyon) at higit sa lahat magulang (tgapaggabay sa kinabukasan).

Tandang Padamdam (!). Isang daan at isang mukha ang maaaring mabuo  ng mga guro base sa karanasang kanilang kinahaharap sa pang-araw-araw na sitwasyon. Matitindi at masisidhing damdamin tulad ng pagkatuwa (sa pagkakataong nasusulyapan ang mga ngiting nagpapabatid ng pagkatuto ng mga mag-aral); pagkalungkot (kapag hindi nakakasagot sa mga katanungan); pagkabalisa (sa pagkakataong may suliraning dinandala ang mga mag-aaral); pagkainis (sa tuwing may hindi nakikinig); pagkabigla (tuwing sa pagkakataong masasagot ang mahihirap na katanunungan) at higit sa lahat- pagkasabik (sa tuwing panahon ng sahod at bonus) ang nararanasan ng mga guro na lumilinang ng emotionally-balanced na mga kaguruan.

            Panipi (“ ”). Saan nga ba natatapos ang tungkulin ng isang guro? Ang mga guro ay parating nasa unahan at dulo ng mga mag-aaral sa paghubog ng mga aral ng buhay. Sa pagtatapos ng mga mag-aaral, nariyan pa rin ang mga guro upang ipakita ng tuwiran ang isang makabuluhang kabuuan ng mag-aaral. Gaya ng panipi, sinisikap hubugin at mabigyang diin sa bawat mag-aaral ang kanilang kakayahang makamit magiging pamagat pangalan “Engineer Franco”, “Ingrid Olubia,MD”, “Capt. Inigo” at marami pang posibilidad sa buhay.

            Tuldok (.) Panghuli, tuldok ang sisimbolo sa kakayahan ng mga guro na wakasan ang maraming bagay. Sinasabi na normal lang sa mga mag-aaral na pumasok sa loob ng klase ng maraming tandang pananong sa isipan tungkol sa paksang pag-uusapan. Subalit, sa pamamagitan ng masining na pagtuturo ng mga guro, ang lahat ng tandang pananong ay nagiging tuldok sa bawat pagtatapos ng aralin. Isa lamang an punto, ang mga guro ay inaasahang may malawag na kaalaman sa paksa na kanyang tinuturo, Ika nga “You cannot give what you do not have” at “Teachers should know all about one thing and should know a little of all things. Sa kabilang banda, tunay nga na walang katapusan ang gampaning tungkulin ng mga guro sa pagpapaunlad ng kinabukasan ng bansa alinsunod sa kaisipan ng progresibong edukasyon – “Tell me the kind of teachers that you have today and I’ll tell the kind of nation that you will have tomorrow”. Subalit, gaya ng isang tuldok, pagsubok sa lahat ng mga guro na siguraduhing magkakaroon ang bawat mag-aaral ng malinaw na katapusan- ang pagkamit sa pangarap sa buhay.

            Kung alin mang bantas ang gamitin upang ito’y tapusin, isa lang ang mensahe: ang pagtuturo ay di biro!

Sinulat ni:

<strong>SANDEE C. OLUBIA</strong>
SANDEE C. OLUBIA

TEACHER III
BATAAN NATIONAL HIGH SCHOOL – JUNIOR HIGH SCHOOL

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *