DepEd Balanga City

Kabataan, Mahalaga Ka

Isinulat ni: Princess Dianne G. Supan, PDO-BNHS/COBNHS

Ano nga ba ang tungkulin ng isang kabataan? Tungkulin lang ba niya na makapagtapos ng pag-aaral at tungkulin na maging mabuting anak upang magkaroon ng magandang kinabukasan?Ayon nga kay Dr. Jose Rizal “ Ang kabataan ay pag-asa ng bayan”, ngunit paano sila magiging pag-asa ng bayan kung hindi natin sila tutulungan na maunawaan kung ano nga ba ang maaari nilang magawa para sa ating bansa?

Ang Kagawaran ng Edukasyon ay ang siyang nagsusulong ng dekalidad  na edukasyon para sa ating mga kabataan. Ito ang tumutulong sa kanila upang madagdagan ang kanilang kaalaman at madiskubre ang kanilang natatagong kakayahan upang makamit ang kanilang mga pangarap. Nakakatuwang isipin na ang Kagawaran ng Edukasyon ay nagkaroon ng katuwang sa paghubog ng ating kabataan, ang Youth Formation Division ay isa sa mga sangay ng kagawaran  na  ang hangarin ay matulungan ang kabataan na makiisa sa mga proyekto / programa na makakatulong sa kanila upang pagyamanin ang abilidad at talento bilang isang kabataan. Prayoridad nila ang mga lider-estudyante sa bawat eskwelahan,  dahil sila ang magiging katuwang ng Youth Formation Division sa pagpapatupad ng mga proyekto at pagpapalaganap ng hangarin ng kagawaran at makalikha ng kabataan na Makabayan, Maka-Diyos, Makakalikasan at Makabansa.

Marami ang plano na nais isakatuparan ng Youth Formation Division. Sa katunayan, hindi ito nagpatalo sa  pandemya na ating nararanasan dahil patuloy parin sila sa pagpapatupad ng mga programa para sa kabataan. Mahirap man ang sitwasyon natin ngayon, hindi parin nagpapatalo sa pandemya ang ating mga kabataan dahil sila ay patuloy na nakikilahok sa bawat aktibidad para sa kanila. Ang ibig sabihin nito ay patuloy na dumadami ang mga kabataan na namumulat sa kanilang angking kakayahan at patuloy na dumadami ang mga kabataan na may pagmamahal sa kanilang bayan dahil naniniwala sila na wala sa edad /  estado sa buhay ang pagtulong sa ating kapwa at pagtulong sa ating bansa, kundi nasa puso at isipan ng bawat kabataan.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *