DepEd Balanga City

Memorabilya

Ni: Gng. Nerissa D. De Jesus, Master Teacher I, Bataan National High School-Junior High School

Salamat sa mga munting regalo, alaala, kaligayahan at kalungkutan.

Maraming pangyayari sa buhay ang naganap na at maaring maganap sa buhay na pinili o itinakda ng iyong tadhana.

Mga alaalang pipiliting kalimutan. May ayaw talikdan, upang laging madama ang saya na dinulot na kaligayahan sa piling ng mga anghel na kasama mo limang araw o dalawangpung araw o higit pa sa loob ng isang buwan sa paaralan.

 Unang taon, walang pagod sa pagsugod sa tambak na trabaho ,pero kakaiba ang panahong iyon kung ihahalintulad sa panahong kasalukuyan. May ngiti sa lahat ng oras ,kahit pagal ang katawan sa pagtuturo. Dagdag pa rito , magpakitang gilas dahil bago ka sa serbisyo at pinakabata ka sa iba.

Maraming bagay ang natutunan sa paligid kasama ang mga mag-aaral na kapuri-puri ang ugali kung ikukumpara sa kasalukuyang panahon.

Tanda ko pa noon, dahil bago pa serbisyo, ikaw ang laging nakikita sa mga gawain na madali , sunod kaagad upang ipakita ang dedikasyon sa trabaho. Isabak din sa mga seminar na inayawan ng mga datihang guro .

Dahil sa pagpupursige sa trabaho, naranasan ko ang maging School Paper Adviser ng “Ang Bataan”  kahit Teacher I pa lamang, masasabi kong biyaya ang taong iyon dahil nakamit sa National Schools Press Conference 2008 ang Ikaapat na puwesto sa pahinang balita. Kasama ang mga masisigasig na mga staffers ng school organ.Halos lahat ng pahina ng diyaryo ay nagkamit ng parangal sa rehiyon tatlo, alaalang mahirap kalimutan , dahil nakasama sila sa tagumpay.

Pakitang –Turo.

Kakaibang kaba ang nadama kung ikaw ay isabak sa rehiyon na magpakitang –turo, ang pagkatiwalaan ng puno ng kagawaran ay isang bagay na nakakalaki ng puso, at tiwala sa sarili.

Promosyon.

Kasabay ng mga trabaho at pagsabak sa ibang gawain , nahikayat akong mag-aral .Ipagpatuloy ang pag-aaral sa Masteral.Di ko akalain na malaking tulong ito sa akin. Kaisa ko ang mga kamag-anak na tumugon sa ibang pangangailangan habang nagsusunog ng kilay upang paunlarin ang sarili, at karagdagang kaalaman sa propesyon.

Nahati man ang oras sa pamilya habang nag-aaral, napagal tuwing Sabado ,kailangang suungin at tiisin kung nais mong makamit ang pag-angat sa propesyon. Mula Teacher I naging Teacher-III, taong 2005.

Bagay na ayaw kong kalimutan , dahil may kinahinatnan ang pagsisikap sa buhay na inalay ko sa aking pamilya.

Pagtitiwala

Mula sa pagpupursigi at pagtitiyaga sa buhay, marami rin akong nahawakang trabaho sa paaralan, maging EMIS Chairman , PASKAF Chaiman, kung saan di madaling gawin dahil kasabay nito ang magturo ka habang inaayos mo ang ibang trabaho ito. Wala akong iniisip na iba , kundi kayanin dahil pinagkatiwalaan ako, at ipakita sa kanila na kaya ko , upang suklian ang pagtitiwala nila sa akin. Aaminin ko na minsan kinabahan ako , kaya ko ba talaga? Buti na lang , nandyan ang mga guro sa departamento nakaalalay sa anumang gawain na di alam ang gagawin. Tunay na pag nagkakaisa makakaya ang mahirap na gawain

Mula sa pagtitiwala , di ko akalaing makamit ko ang posisyong Master Teacher-I , taong 2014, natanto ko , na may bungang maganda ang lahat ng ginawa ko na may pagsisikap. Dito ko napatunayan, na may kapalit ang pinaghirapan mo sa nakaraan.

 Kaginhawahan .

Aaminin ko , isang malaking tulong ang promosyon sa isang guro, lumago ang kaban, sumungaw 

ang pagtingin ng kapwa, dahil mahirap itong abutin, kailangang trabahuhin … at mas masarap sa pakiramdam na nakuha mo ito na wala kang tinatapakan . Taas noo ka kaninuman, saan man.

Sa paglipas ng panahon , dama ko ang kaibahan ng ugali , pananaw sa buhay, pagkakaiba ng kalakaran sa pagtuturo.

Ugali ng mga mag-aaral na madaling mabigo, pinanghihinaan ng loob, mayroon namang kayang sumalunga sa laban nang buhay at sumabay sa panahon .

YOLO. Bagong salita ng mga millennial “You Only Live Once”, gawin mo na lahat dahil minsan lang ang buhay ng tao. Kung saan ka masaya, doon ka na.

Dahil nga sa pagbabago ng panahon, naisip ko kaya ko pa bang makipagsabayan sa mga kabataan? Aayon pa ba ang tulad ko na isang guro na nasa kalahati na ang buhay. Minsan , ang sabi nila ,” damats” na kasi kaya di makasabay. Nakakainsulto, pero totoo, kaya pinipilit na alamin ang mga bagay sa panahon nila.

Nakakalungkot ding isipin na marami sa kasalukuyang mag-aaral , ang walang importansya sa kanila ang edukasyon. May nagbabalik at nagsisisi ,sana nakinig sa payo noon pa man. Tunay na sa huli ang pagsisisi.

Sa dalawang dekada ng aking propesyon, ang makamit ang ilang parangal ay sapat na isang guro. Umalis man sa serbisyo ay nakatalaga na sa papel na minsang ikaw ay naging uliran.

Para sa akin, higit kong pahahalagahan ang pagpuri ng mga mag-aaral , dahil marahil, naibigay ko sa kanila ang tunay na kailangan nila sa buhay, ang aralin, pagpapahalaga , kaibigan at higit sa lahat ang pagiging pangalawang ina. Umaapaw ang puso sa kanilang pagbati , ang paghandaan at pasalamatan ka sa iyong kaarawan.

Mga alaala sa dalawang dekada, o memorabillya. Kung lilisanin mo ang paaralan , may masakit at mas maraming maganda ang babalikan sa isipan , na may ngiti sa labi dahil minsan kang naging bahagi ng paaralan at bahagi ng buhay ng mga mag-aaral na nagtiwala at naniwala sa iyong kakayahan.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *