DepEd Balanga City

PEPE: Ang muling pagbusa sa nahihilaw na karunungan

Isinulat ni: Dennielyn S. Izon, Registrar I – Bataan National High School-Senior High School

Sa kubyerta, eksaktong alas dos ng tirik na hapon tila nagyakap na parang mga mumo ng biko ang mga multo ng kahapon. Nilimot ang esensiya, tinalikuran ang saysay, at isinantabi ang kaalaman.

Walang tasang lapis.

Pinilit gumihit ng kalangitan ngunit hindi magawa sapagkat kulang ang karunungan. Subalit may lakas at pagkakataon pa rin para gawin ang nararapat. Ako si Pepe na labis ang kasiyahan sa mga kwento…Sinabi ng mga magulang ko na alagaan raw ang mga libro.

Upod na pambura.

Yumuko ang panulat dahil sa pinakamahalagang aspeto ng buhay. Buburahin nito ang salitang edukado at papalitan ng salitang respeto. Ako si pepe at hindi ko sinasabing masama ang pagiging matalino dahil naniniwala rin ako na solusyon ang edukasyon.

Luma’t maruming krayola.

Sinubukan namang kulayan ang bahaghari ngunit paglao’y binalot ka ng kawalang-pag-asa. Dumumi na ang katauhan at bumaba na ang tingin mo sa sarili. Ako si pepe at edukasyon lamang kasi ang magpapalaya sa iyo.

Kapiraso ng pahina.

Hinangad mong isulat ang nararapat ngunit kinapos ka na sa kakayahan. Hindi mo na nagawa ang naayon sa pag-aakalang ito na ang kapalaran ngunit mali. Ako si Pepe na nagsasabing namatay ako hindi para sa bayan. Namatay ako para imulat ang susunod pang susuong sa digmaan.

Matulis na lapis, puspos na pambura, makukulay na krayola at masaganang pahina. Simulan mo na ang iyong pagbusa sa nahihilaw na lipunan. Dahil edukasyon ang makakatulong sa bayan.

Kamangmangan, huwag mo kaming salingin. Huwag kami. Ako si Pepe. Lumaban para sa iyo at ako ang iyong bagong taga-hanga.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *