DepEd Balanga City

REMOTE ENROLLMENT : Paano Mo Kokontrolin ang Kakulangan?

Isinulat ni: Dennielyn S. Izon, Registrar I – Bataan National High School-Senior High School

Sa kasalukuyan, nababalot ang daigdig ng pandemyang biglaang dumatal. Kabi-kabilang dagok ang kinakaharap natin sa krisis na ito gaya ng kakulangan sa pagkain, kawalan ng trabaho, kawalan ng panggastos, atbp.

Bagaman humaharap ang ating lipunan sa malaking epektong dala ng COVID-19, naging malaking usapin ang pagbubukas ng klase sa bansa. Maraming bumatikos, tumutol at nagbigay ng kanilang saloobin lalo na sa isinagawang remote enrollment.

Nitong ika-1 ng Hunyo, sinigurado ng DepEd ang kaligtasan ng mga magulang at mga mag-aaral kaya’t isinagawa ang “remote enrollment”. Sa ganitong pagpapatala, hindi na kailangan ng mga magulang na magtungo sa paaralan upang iparehistro ang kanilang mga anak sa paaralan. Upang masiguro ang physical distancing at health standards ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at Kagawaran ng Kalusugan, ang adviser ng mag-aaral noong nakaraang taon ang tatawag sa mga magulang para sa remote enrollment o maaari ring magulang ang tumawag sa mga guro.

Sa kabila ng mga paraan, hindi pa rin maiwasang salangsangin ng mga magulang ang online/remote enrollment. Iniisip nila kung papaano nila pag-aaralin ang kanilang mga anak dahil sa mga kakulangan sa kagamitang kailangan para sa bagong sistema ng pag-aaral.

 Gayunpaman, umaasa ang Kagawaran ng Edukasyong magiging payapa’t maayos ang taong-panuruang ito na sisimulan sa ika-24 ng Agosto.

Sa kabila ng kakulangan, sa kabila ng mga dagok na kinakaharap natin, ang natatangi na lamang nating magagawa’y mamuhay na kasama ang krisis na ito. Hangga’t walang kasiguraduhan kung kailan ito matatapos, kailangan nating sumabay sa agos. Pinapaalala lang na marapat lamang tayong magpatuloy sa pamumuhay. Magpatuloy kasama ang bagong normal. “

 Walang permanente sa mundo kun’di ang pagbabago—- ang pagsususog na kokontrol sa nakasanayan.”

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *