DepEd Balanga City

Bahaghari

ni: Jenilla Mae O. Rodrigo, BNHS-SHS

“Sa kabila ng ulan ay sisilip ang bahaghari”. Madalas na kasabihan na  maririnig simula pa noong  bata pa lamang tayo.Ito ang nagsisilbing gabay sa mga taong tila nawawalan na ng pag-asa at lakas upang lumaban sa buhay.Madaling magpakita ang bahaghari  sa tuwing matatapos ang ulan, tumingala ka lamang  makikita mo na ang iba’t ibang kulay nito napaka gandang pagmasdan sa malayo.Sa paglipas ng panahon ang bahaghari ay nagkaroon ng bagong mukha na sumisimbolo sa mga nabibilang na LGBTQ.

“Diskriminasyon” ang madalas  nararanasan ng mga taong nabibilang sa LGBTQ, pangungutya ng ilang mga hindi nakauunawa sa kanila.Madalas ay nauuwi ng  pananakit sa kanila.Ang lipunang ginagawalan nila ay hindi bukas ang pag-iisip at puso para sa kanila.Sa mata ng mga taong balatkayo na tila perpekto ay salot sila.Ngunit ang mga masasakit na salita na naranasan ng  mga tinatawag nilang “bakla at tomboy” ay kanilang pinaghuhugutan upang ipaglaban ang karapatan at pagkakapantay-pantay sa kabila ng pagkakaiba.Tulad ng isang bahag-hari na nagpapakita pagkatapos ng unos, silang mga LGBTQ ay babangon at patuloy na magbibigay ng pag-asa sa bawat isa.

Walang masamang mapabilang sa LGBTQ, sapagkat nagpakatoo sila sa kanilang sarili at hindi nagtago sa katotohanan kung ano ang sigaw ng kanilang puso.Ang masama ay ang mga taong sarado ang pag-iisip.Hindi hadlang ang pagiging isang LGBTQ upang hindi makamit ang mga pangarap, bagkus ito ang magiging dahilan upang magsumikap at ipakita sa mga taong mapanghamak  kung sino ang kanilang kinukutya, tinatawanan at binabastos.Kuminang ang bahaghari at lalong tumingkad ang kulay at tinitingala sa kalangitan, minsan tulad ng ulan ay umiiyak at nagpupumiglas ang kalooban na tila kulog at kidlat, ngunit patuloy na magiging isang bahaghari pagkatapos ng unos.

Leave a Comment

Your email address will not be published.